Friday, December 11, 2009

Birada ni Kuya Drama

Ang Sabwatan ni Gloria at ng mga Ampatuan


Sa aking palagay ay may ibang motibo sa pagdedeklara ng Martial Law ng ating butihing pangulo sa Maguindanao. Isa na dito ay para mawala ang atensyon ng publiko sa pinaka karumal dumal na pagmasaker ng sibilyan at mga mamamahayag sa kasaysayan ng Pinas. Sasampahan daw kunwari ng rebelyon ang mga Ampatuan, ang grupong naghahari sa Maguindanao, subalit paano mo sasampahan ang grupong sumuporta sa kanya nung mga nakaraang eleksyon? Di ba kung ating babalikan ang hindi kalayuang kasaysayan ay nagawa ng grupong ito ang maging 12-0 ang boto pabor sa kanya laban kay FPJ? At nung nakaraang eleksyon ay 12-0 din pabor naman sa kanyang mga alipores na senador? At paano mo namang matatatawag na rebelyon ang naganap na masaker samantalang sa nangyaring kaganapan ay wala namang planong ibagsak ang gobyerno? At ang tanging plano lamang ng mga ito ay ibagsak ang kalabang partido? Nagulat pa nga kunyari ang militar sa natagpuang laksa laksang armas ng mga Ampatuan na kung saan ay talo pa nito ang buong AFP sa kalibre at antas ng mga armas na nabanggit. Kung atin pa ngang titignan sa biglang tingin akala mo ay parang kaylakas ng pwersa ni Glorya bilang pangulo, subalit kung ating pakasusuriin ay saan ka nakakita ng sibilyang gobyerno na puro mga heneral ang nakaluklok sa pwesto? Malinaw na malinaw na hawak lamang siya ng mga heneral sa leeg. Ang isa pa ay dahil sa kaguluhan sa Maguindanao, paano kung madamay ang mga kapatid nating muslim na andito sa Luzon? Alam kong hindi sila mga bayolente, pero paano kung ang gobyerno mismo ang gumawa ng paraan na manggulo at nang sa gayon ay magkaroon ng dahilan para magdeklara ng Martial Law si pangulong Glorya sa buong kapuluan? Siguradong may mga pwersang tututol dito at magsasampa ng kaso sa Korte Suprema. Subalit kanino ba kampi ang Korte Suprema, sa katwiran ba o sa nakaupo sa gobyerno? Wag naman sanang dumating sa ganito.




Ang Pagtakbo ni Glorya


Sa biglang tingin, aakalainin natin na walang problema sakali mang tumakbo si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang kongresista sa kanyang distrito sa Pampanga. Subalit kung ating pakakaisipin ang kanyang mga pakay sa likod ng kanyang pagtakbo ay ating mababanaag ang kanyang maitim na balak. Una, sa kadahilanang wala na siyang dahilan para humaba pa ang termino sa pagkapangulo at paghawak sa posisyon bilang pinakamataas na pinuno kaya sa mababang kamara na lamang siya mambabraso, pakay niyang harangin ang mga anumang banta na siya ay imbestigahan sa panahong naluklok siya sa Malakanyang. Kung siya ay mauupong kongresista siyempre andun pa rin ang kanyang kapangyarihan sa kanyang mga dating kasama, maaaring mapigil niya ang anumang bagay na siyang magiging mitsa ng kanyang maaaring pagkakulong o pagsagot sa batas sa mga anumalya na ginawa niya at ng kanyang asawa at ng kanyang buong pamilya sa pagpapayaman sa posisyon. Oo, kung ating susuriin ay sadyang malawak ang korapsyon sa buong mundo. Pero sa kanila, me korapsyon man kahit papaano ay may nagagawang buti ang mga lider doon. Dito sa atin kakaiba, puro interes na lamang nila ang kanilang inaabatan. Paano nilang iisipin ang kapakanan ng taumbayan, kung taliwas ang kanilang interes sa karamihan? Dito sa atin ang mga mayayaman na konting konti lang ang porsyento ay payaman ng payaman samantalang ang milyong milyong mga mahihirap ay lalong nalulublob sa kumunoy ng kahirapan. Sa ibang bansa bagaman walang demokrasya ay pakonti konti lang ang napapatay na mamamahayag. Dito sa atin ay naturingang demokrasya subalit dati ay paisa isa rin subalit madalas pero ngayon ay maramihan na, pakyawan na. Matatatawag pa ba natin itong demokrasya? O demokrasyang kumalam na lang ang sikmura? Demokrasyang mamatay sa gutom? Demokrasyang mamatay sa bala ng baril. Kung nakakain man lang sana ang demokrasya ni Glorya.

No comments: